Kung Pahihintulutan Mo Ako, Ipapakilala Ko Sa’yo ang Mundo’t Tahanan Ko

cauli saint
3 min readOct 8, 2024

--

cauli saint

Grade 5 ako nang sumikat ang kanta ng IV of Spades na “Mundo.” Paulit-ulit na kinakanta ito ng mga kaklase ko, lalo na ang lirikong “Ikaw na ang tahanan at mundo.” Sa mga panahong iyon, hindi ko mawari kung paano mo matatawag ang isang tao bilang tahanan at mundo mo.

Madalas ko pang itanong kung anong pamantayan ng ibang tao, dahil para bang napaka-babaw minsan ng mga ipinapakita lamang na aksyon sa kanila, ngunit tila hulog na hulog agad sila sa mga ito.

Napagtanto ko na ang mga tao ay sadyang may kanya-kanyang pananaw sa kung ano ang tahanan at mundo, at marahil ang tunay na kahulugan nito ay nag-iiba-iba depende sa ating mga karanasan o kapaligiran na nilakihan.

Ngayong medyo nagka-edad na ako, kung ako ang tatanungin ninyo kung ano ang mundo at tahanan ko, siguro ilalarawan ko ito bilang magulo at maingay, puno ng panloob na boses.

Subalit madalas, tahimik talaga siya — hindi marunong ipahayag kung ano ang iniisip at nararamdaman. Para bang ang pag-iyak o kahit anong emosyon ay tila pangbata lamang, at pinangatawanan na niya ang pagiging pangalawang magulang sa mga kapatid niya.

Sa kabila ng mga responsibilidad niya, sa totoo lang, gusto rin niyang maging batang-isip minsan. Hindi niya naman kagustuhang maging hinog agad. Naiisip niya ang mga simpleng bagay na madalas niyang pinapabayaan — tulad ng pagtawa, paglalaro, at ang kalayaan na ipakita ang tunay na nararamdaman.

Parang may mga sandali na nagiging takot siyang ipakita ang mga ito, dahil baka isipin ng iba na siya ay mahina, kaya naman, sinasamahan ko siya upang maging komportable siya na hindi niya kailangan ‘yon gawin mag-isa.

Minsan, iikot pa ang mata niya, ngunit mararamdaman mong gusto niya. Sa bawat hakbang na magkasama kami, hinihiling ko at ibinubulong sa kanya na sana ay natututo siyang tanggapin na hindi niya kailangang maging perpekto.

Hindi niya kailangang maging isang konsepto lamang — isang bersyon na nilikha sa isip. Wari sana’y alam niya na kahit marami akong pilat na nalalaman sa kanya, patuloy ko pa rin siyang mamahalin, dahil ito ay bahagi lamang ng kung sino siya.

Gusto niyang kulay ay kalimbahin; halos lahat ng gamit niya’y ganoong kulay, kaya naman kung makita itong pakalat-kalat, alam na agad na sa kanya iyon. Pero kung sa damit ang pag-uusapan, gusto niya ang mga kulay itim.

Tila isa siyang taong pinaghalo nina Princess Bubblegum at Marceline. Minsan, nakikita ko siyang tila masaya at puno ng buhay, tulad ni Princess Bubblegum, habang sa iba namang pagkakataon, nagiging tahimik at malamlam, na parang kay Marceline. Puno siya ng mga kulay at diwa — hindi mo alam kung anong bahagi ng kanya ang lalabas sa susunod na sandali.

Nagulat na lang ako, sapagkat hindi ko alam kung saan nagsimula nang ituring ko siya bilang aking mundo. Maaaring ito ay sa simpleng pakikinig sa akin habang nagkuwento ako tungkol sa mga bagay na walang kapararakan, o noong ibinaba niya ang pader na aking inakyat at inimbitahan akong patuluyin sa mga lagusan ng kanyang mga ngiti.

Siya ang tahimik na kanlungan, na hindi palaging kailangan ng dagitab upang sabihing kapana-panabik ang uwian.

Bawat alaala na aming ginagawa ay tila piraso ng isang plorera na unti-unting bumubuo sa kabuuan ng aming mundo.

Sa kanyang mga ngiti at yakap, natutunan kong ang tahanan ay hindi lamang isang lugar kung ‘di isang damdamin isang ligtas na espasyo, na may matatag na pundasyon, kung saan maaari kang maging totoo, malaya sa takot at pag-aalinlangan. At marahil, ang tunay na mundo ay hindi lamang tungkol sa pagiging hinog kung ‘di pati na rin sa pagyakap sa lahat ng parte ng kanyang pagkatao.

At kung siya naman ang magtatanong kung ano ang mundo at tahanan ko, siguro may dalawang paraan para sagutin siya: una, maglalabas ako ng salamin at itatapat sa kanya upang makita niya ang mundo at tahanan ko, o para mas simple, babanggitin ko na lang ang pangalan niya nang walang pag-aalinlangan.

I’m back! I was just busy with my exams :<

--

--