Pagyakap sa mga Sakunang Ibubunsod Mo

cauli saint
2 min readOct 9, 2024

--

cauli saint

Sa gitna ng kaguluhan, narito ako para sa’yo, tahimik na sinasalamin ang bawat buntong-hininga at pagsinghap mo.

Hindi kita bibitawan, kahit gaano kabigat ang mga pinapasan mong takot. Tutulungan kitang pawiin ang mga takot na bumabagabag sa’yo, lalo na sa mga sandaling pinagmumultuhan ka ng mga anino sa isip mo, dahan-dahang gumagapang sa’yo habang ikaw ay natutulog.

Sa bawat oras ng panghihina, ako ang magiging sandigan mo — ang tahimik na pwersa na laging nariyan sa kailaliman, naghihintay para sa’yo. Hindi kita iiwan; iingatan kita mula sa pinakapino at maselan mong parte, hanggang sa’yong pinakamatibay na bahagi.

Wari sana’y magtiwala ka sa akin ako ang yakap na bubuo sa’yo kapag bumubuhos ang bagyo at ang malambing na bulong sa iyong tenga tuwing humahampas ang mga kidlat.

Kahit gaano kalalim ang iyong tinatahak, hindi ako mag-aalinlangan na sumisid kasama mo upang tulungan kang makahanap ng hininga sa gitna ng mga hampas ng alon.

Lalanguyin ko ang dagat ng iyong mga alalahanin, dala ang bagyong nagmumula sa iyong nakaraan, hindi alintana ang panganib, upang mailayo ka sa iyong mga pangamba.

Haharapin ko ang bawat alon at paghampas ng hangin, handang gawin ang lahat para sa iyong kapayapaan.

Sa bawat pagsubok, may kamay na naghihintay, may lakas na inilalaan para sa’yo. Gagabayan kita at aakayin sa liwanag, palaging ipapaalala kung paano ko naaaninag ang iyong sinag sa bawat ngiti mo — iyon ang naging gabay ko sa mga oras ng kadiliman.

Handa akong yakapin hindi lamang ang iyong mga kalakasan kundi pati na ang mga sakunang dala mo. Ang mga bagyong ibubunsod ng iyong mga pagdududa at takot, sasaluhin ko ng buong lakas at pasensya.

Pagyakap sa mga sakunang ibubunsod mo — hindi ko alintana ang sakit o hirap ng pag-unawa, tatanggapin kita nang buo. Magiging kalmadong puwersa mo ako, hanggang sa dumating ang sandaling ikaw naman ang muling bumangon at malampasan ang mga araw na tila bangungot, mga sandaling mapapawi na ang iyong pagtangis.

Hayaan mong ikulong kita sa mga bisig ko nang maigting tuwing may unos kang kakaharapin. Sabihin mo lang at iaalay ko sa’yo ang aking katahimikan, handang maging iyong kanlungan sa gitna ng gulo.

Kahit gaano kalalim ang iyong takot, kahit gaano kabigat ang mga pasanin mo, nandito lang ako —

handa akong maging hantungan at kanlungan mo.

--

--