Pahuway Mula sa Pahimakas
Madalas tuwing bakasyon, umuuwi tayo sa ating mga probinsiya para magpahinga. Iniiwanan ang mga trabaho o kung ano pa mang nagbibigay sa’tin ng mga negatibong damdamin. Nagbibigay tayo ng oras para sa mga kamag-anak natin at syempre, sa ating sarili.
Hindi labis ang atmospera sa mga lugar na hindi dagsa ng tao, kaya sakto o tamang-tama ito upang magbigay ng pansamantalang pahinga mula sa mga eksenang nakakarindi kung pagmamasdan.
Mula sa mga ihip ng hangin, malalaman mo kung masyadong mahalumigmig ba ito para sa’yo o hindi — tinatanggap o tinatangay ka papunta kung saan man.
Pakiramdaman mo, ipikit mo ang iyong mga mata, at itanong kung para rito ka ba talaga.
Sumasabay ba ang mga alon ng ulap sa bugso ng iyong mga nararamdaman? Nagbibigay ba ng malaking ngiti ang haring araw? Bumabaghari ba ang ‘yong diwa? Ano ang halimuyak ng lupa’t mga bulaklak? Tinatawag ka ba ng huni ng mga ibon? Tinatanaw ka ba ng naka-linyang mga tala?
Higgit sa lahat, pakiramadaman mo ang sarili mo. Sigurado ka na ba? Dahan-dahanin mong isipin habang lumilipas ang oras.
Walang sayang kung pipiliin mo ang gusto mo. Nasimulan mo lamang ang landas na ‘to, pero hindi ibig sabihin noon ay panghabang buhay mong kailangang gawin ang mga bagay na kinagawian mo.
Hindi mo sinasadyang nag-iiba ang mga bagay na magpapayabong sa’yo. Minsan ang puso ng mga tao ay tumataliwas talaga sa kung anong gusto ng isip at ang taong nagmamahal ay hindi mag-iisip sa katwiran upang takbuhin ang silakbo ng kanyang mga pangarap.
Ang mga paalam ay nagbubukas ng panibagong mga binta para sa’tin. Oo, mga bintana, sapagkat bago ka pumasok sa pinto’y titiyakin mo munang kinalulugod nilang naroon ka.
May mga lugar tayong kailangan lisanin at talikuran para magkaroon ng pahuway at ang totoong pinipintig ng puso mo ay hindi mo kailangang itago dahil yayakapin ka ng hiwaga ng pahimakas.
Slightly inspired by Seventeen’s Yawn